Sisiguruhin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpapatuloy ang “Kalinisan sa Bagong Pilipinas” nationwide clean-up program, mula sa mga barangay at youth officials sa buong bansa.
Ayon sa Pangulo, kada buwan, susukatin ng pamahalaan ang performance ng bawat barangay council sa pagsusulong at pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa kanilang lugar.
“Ano ba ang bago rito? Ano ang bago na itinatatag natin sa Bagong Pilipinas? Ang kaayusan at kalinisan sa bawat barangay ay gagawin nating tuloy-tuloy; buwan-buwan na susukatin ang performance ng Barangay Council, at kikilalanin natin at pararangalan natin ang mga outstanding na performance,” — Pangulong Marcos.
Bibigyang pagkilala ang mga magpapamalas ng natatanging dedikasyon sa kanilang tungkulin.
“Higit sa lahat, ang kaayusan at kalinisan sa bawat barangay ay tututukan ng inyong Pangulo. Iyan ang isang bago sa Bagong Pilipinas. Mga Kabarangay, saludo ako sa inyo!” — Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, ang inisyal na tagumpay ng programa ay bunsod ng bayanihan effort ng mga komunidad sa paglilinis ng mga paaralan, kalsada, kanal, at palengke, tungo sa pagkakaroon ng mas maayos at mas ligtas na komunidad sa bansa.
“Sa pangunguna ni Secretary Benhur Abalos, at mga DILG officials sa buong bansa, kasama ang mga newly elected Barangay at SK officials, sabay-sabay na nilinis ang mga kalsada, estero, labas ng mga paaralan at palengke sa bawat komunidad sa araw na ito,” — Pangulong Marcos.
Ayon sa ulat ng DILG, nasa 5.1million kilo ng basura ang nakolekta ng nasa higit 1.2 million na indibidwal na nakibahagi sa nationwide clean-up program.
“From January 6 to 7, about 90,000 Facebook posts carried the hashtag #KALINISANsaBagongPilipinas, about 43,000 posts used the #BuildBetterMore hashtag, while about 40,000 posts included the #CleanCommunities hashtag to support the program.” — PCO. | ulat ni Racquel Bayan