Pinapurihan ng Department of Social Welfare and Development ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program
at KapitBisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services dahil sa kanilang masigasig na partisipasyon sa nationwide clean-up drive nitong nakaraang Enero 6, 2024.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, ang nasabing clean-up drive na tinawag na ‘Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan’ o KALINISAN SA BAGONG PILIPINAS Program, ay binuo ng Department of the Interior and Local Government at ng Office of the President .
Layon nito upang hikayatin ang sambayanan na makilahok sa programa upang mapanatili ang malinis at malusog na kapaligiran para sa lahat.
Ito ay ginanap bilang pagkilala sa National Community Development Day na naglalayon upang mapalakas ang “bayanihan spirit” at community cooperation sa bansa.
Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr., nagkaisa ang 4Ps at KALAHI-CIDSS beneficiaries mula sa iba’t ibang barangay sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang magtulong-tulong upang maging matagumpay ang programa para sa malinis na kapaligiran. | ulat ni Rey Ferrer
📷: DSWD