Kapwa itinanggi nina AKO BICOL Party-list Representative Raul Angelo “Jil” Bongalon at Polangui, Albay Mayor Raymond Adrian Salceda, Presidente ng League of Municipalities-Albay Chapter, ang alegasyon na nagkaroon ng bayaran sa ginawang pulong tungkol sa itinutulak na People’s Initiative para amyendahan ang Saligang Batas.
Ito’y matapos isiwalat ni Albay 1st district Rep. Edcel Lagman na nagkaroon ng pulong nitong January 5 kung saan ipinatawag ang mga Mayor ng Albay, at doon nag-abot ng bayad para sa mga pipirmang residente sa people’s initiative.
“There is no truth on the assertion of Rep. Lagman that mobilization funds were given to the mayors to buy votes for the people’s initiative,” sabi ni Bongalon sa isang pahayag.
“It’s untrue that voters who would sign the petition for a people’s initiative will be given P100 each. That is false and utterly ridiculous,” saad ni Salceda sa hiwalay na statement.
Kinumpirma naman ni dating Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na nagkaroon nga ng pulong.
Aniya, dumalo siya dito upang ipaliwanag ang proseso ng charter change sa pamamagitan ng People’s Initiative bilang dati siyang chairperson ng House Committee on Constitutional Amendments.
Pero, sinabi rin nito na walang katotohanan na may bayarang nangyari.
Sa ilalim ng people’s initiative maaaring amyendahan ang konstitusyon kung makakakuha ng 12% ng kabuuang bilang ng botante sa buong bansa para ito ay isulong kung saan kada distrito ay dapat makakuha ng 3% representation mula sa kabuuang registered voters doon. | ulat ni Kathleen Forbes