Naghain si Senator Imee Marcos ng isang resolusyon para magkaroon ng Senate inquiry tungkol sa pagpapatupad ng public utility vehicle (PUV) modernization program.
Sa inihaing Senate Resolution 893 ng senador, iginiit nitong kailangan ng tama at masusing assessment ng programa.
Ayon kay Senator Imee, hindi kakayanin ng ating bansa na magkaroon ng transportation crisis, lalo na’t bumabangon pa lang tayo mula sa epekto ng pandemia.
Ipinunto ng mambabatas ang ilang kritisismo at pangamba ng iba’t ibang transport groups sa PUV modernization program…
Kabilang na dito ang hinaing ng ilang traditional jeepney driver na nahihirapang makasunod sa consolidation requirements gaya ng mga dokumento, membership fees sa mga kooperatiba, pondo para sa stocks sa korporasyon at iba pa.
Kailangan aniyang bigyang pansin ang nakakaalarmang bilang ng mga PUV na hindi nakasunod sa consolidation para hindi maapektuhan ang commuters at ang public transportation sa Pilipinas.
Pinunto rin ni Marcos, na dapat pang patuloy na magkaroon ng diyalogo ang pamahalaan at ang PUV stakeholders para makahanap ng isang win-win solution sa mga isyu sa programa. | ulat ni Nimfa Asuncion