Bumuo na ng isang Technical Working Group (TWG) ang Department of Agriculture (DA) na inatasang bumalangkas ng mga alituntunin at regulasyon para ipatupad ang Seksyon 9 ng Price Act na may kaugnayan sa mga produktong pang-agrikultura.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang Price Act, o Republic Act 7581, ay pinagtibay upang patatagin ang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin at upang mapangalagaan ang mga mamimili laban sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo.
Ang inatasang patatagin ang mga presyo ay ang mga agricultural product, isda at iba pang produktong dagat, karne, manok, gatas, pataba at iba pang gamit sa bukid sa panahon ng emergency.
Binigyang diin sa Special Order 18 na inilabas ng kalihim ang Seksyon 9 ng RA 7581, ang pagbibigay ng alokasyon ng buffer fund para sa pagkuha, pagbili, pag-aangkat o pag-iimbak ng mga pangunahing bilihin.
Tinutukoy din dito ang mga paraan sa pamamahagi sa panahon ng kakapusan o kung may pangangailangan sa mga presyo sa pamilihan.
Ang mga tauhan mula sa Policy Research Service, Office of the Assistant Secretary for Regulations (OASR) at ang Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) ay magiging bahagi ng Secretariat ng TWG at magbibigay ng teknikal at administratibong suporta sa grupo.| ulat ni Rey Ferrer