Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na wala itong naitalang maritime-related incident sa pagdaraos ng Pista ng Itim na Nazareno sa Maynila.
Ito ay matapos na magsagawa ang PCG District National Capital Region-Central Luzon ng maritime patrol operations at land-based security measures pati na ang pagpapatupad ng health protocols sa pagdaraos ng Traslacion 2024.
Kabilang sa binantayan ng PCG ang Manila Bay at Pasig River, gayundin ang mga water area na malapit sa Jones Bridge, MacArthur Bridge, Quezon Bridge, Ayala Bridge, at bahagi ng Quirino Grandstand.
Bukod dito ay nagpatupad din ng underwater inspection, nag-deploy ng daan-daang PCG security personnel, medical team, k9 unit, at Explosive Ordinance Disposal specialist.
Layon ng naturang mga hakbang na matiyak ang kaayusan at seguridad sa mga idaraos na aktibidad sa Traslacion 2024. | ulat ni Diane Lear