Iginiit ni Senador Jinggoy Estrada na dapat imbestigahan at panagutin ang sinumang nasa likod ng kwestiyonableng pagsusulong ng amyenda sa konstitusyon.
Tinutukoy ng senador ang napaulat na pangangalap ng pirma mula sa taumbayan at pag-aalok ng P100 sa bawat pirma pabor sa isinusulong na charter change (chacha).
Ayon kay Estrada, unethical at ilegal ang naturang hakbang at malinaw rin itong paglabag sa democratic process ng bansa.
Binigyang diin ng senador na ang people’s initiative ay isang constitutional right na dapat ay malayang ginagawa nang walang pamimilit.
Sinabi ni Estrada, na dapat protektahan at pangalagaan ang tiwala ng taumbayan sa democratic process ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion