Ipagpapatuloy ng Marcos Administration ngayong 2024 ang ginawa nitong pag-target sa mga high value investment papasok ng bansa, sa nakalipas na taon.
Kung matatandaan nitong 2023, pumalo sa higit Php1 trillion ang investment approvals na naitala ng Board of Investment (BOI) mula sa mga nagdaang biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DTI Usec Kim Lokin na nakatutok pa rin ang pamahalaan sa mga pamumuhunan na magbibigay sa Pilipinas ng mas maraming trabaho at serbisyo para sa mga Pilipino.
Aniya, maganda ang kinalalagyan ng Pilipinas sa kasalukuyan, dahil ito ang pinipiling destinasyon ng foreign investors na naglilipat ng kanilang negosyo, dahil sa iba’t ibang rason, usaping pang rehiyon, o geopolitical issues.
Inihalimbawa ng opisyal ang pagtungo nila sa Pransya. Ang Pilipinas aniya, katuwang ang Vietnam at Indonesia, ay itinuturing na VIP o isa sa mga bansa na paglalagakan ng investment ng mga mamunuhunan doon.
“Tama iyong strategy ni Pangulong Marcos – siya ay pumupunta kasi he is the best salesman after all. Kasi sometimes iyong negotiation na ginagawa ng DTI, iyong investment leads natin, napapabilis ang decision-making process ng ating mga foreign investors kapag iyong presidente iyong kaharap nila. Kasi nakikita nila, nagkakaroon sila ng confidence and assurance perhaps na kapag sila ay pumunta dito sa atin, maaalagaan sila ng Presidente at mai-ensure that there will be level playing field; they will have incentives that they want; and that there will be an avenue here para sa kanila ay mag-profit ng maganda.” —Lokin.| ulat ni Racquel Bayan