Tiniyak ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na paiiralin ng PNP ang maximum tolerance sa mga makikilahok sa nakaambang na transport protest ng grupong Manibela at Piston bukas, Enero 16.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ng PNP Chief na nais ding bigyan ng PNP ng espasyo ang mga magpoprotesta na ipahayag ang kanilang mga saloobin basta’t hindi makakaabala sa mga regular na aktibidad sa mga lugar na pagdarausan ng kanilang kilos-protesta.
Panawagan ng PNP Chief sa mga lalahok sa aktibidad na panatilihing mapayapa ang kanilang pagkilos at wag magkasakitan.
Base aniya sa pakikipag-usap ng PNP sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, handa ang pamahalaan na makinig sa hinaing ng mga magkikilos-protesta kaya baka pwedeng pag-usapan na lang ang problema.
Sa ngayon aniya, walang na-monitor ang PNP na banta sa transport protest, maliban sa posibleng pagkaparalisa ng pampublikong transportasyon sa mga apektadong lugar, kaya nakahanda rin ang PNP na mag-deploy ng mga sasakyan para magbigay ng libreng sakay. | ulat ni Leo Sarne