Pormal nang humingi ng paumanhin ang Quezon City Police District (QCPD) sa pamilya Gibbs kaugnay ng hindi awtorisadong pagkalat ng video ng yumaong artista na si Ronaldo Valdez noong Disyembre.
Ito’y matapos hilingin sa isang pulong balitaan ng anak ni Valdez at kilalang singer na si Janno Gibbs ang public apology ng pulisya dahil sa leaked video.
Sa isang pahayag, sinabi ng QCPD na batid nito ang bigat na idinulot sa pamilya ng naging kapabayaan ng ilan sa kanilang mga personnel.
“We acknowledge the gravity of this lapse in judgment of some of our personnel, and we deeply regret any distress this may have caused.”
Kaugnay nito, tiniyak ng QCPD ang maagap na aksyon matapos ang insidente.
Sa ngayon, nahaharap na aniya sa patong-patong na administrative charges ang lima nitong tauhan na sangkot sa pagkalat ng video.
Kabilang sa mga inihain na kaso ang Neglect of Duty; Grave Irregularity in the Performance of Duty, Grave Misconduct in relation to R.A. 10173 (Data Privacy Act of 2012), at R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), Conduct Unbecoming of a Police Officer, at Grave Misconduct in relation to P.D. 1829 (Obstruction of Justice), na may kaakibat na dismissal sa serbisyo bilang maximum penalty.
Sinampahan na rin ng Neglect of Duty ang tatlong Police officers dahil sa command responsibility.
Habang may karagdagan pang kaso ang isasampa laban sa sibilyan na nagpakalat din ng video sa social media.
Hinikayat naman ng QCPD ang Gibbs family na magsampa rin ng kasong kriminal laban sa mga nagpakalat ng video.
Pagtitiyak din ng QCPD na nagpapatupad na ito ng mas mahigpit na hakbang para hindi na maulit pa ang ganitong kapabayaan.
“We assure you that such incidents will not be tolerated, and we are implementing stricter measures to prevent their recurrence.” | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸: Janno Gibbs FB page