Inaprubahan ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang isang ordinansa na nagpapataw ng libreng business permit gayundin ng tax exemption sa ilang mga may-ari ng sari-sari store at karinderya sa lungsod.
Ito’y makaraang lagdaan ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ang City Ordinance no. 140 na naglalayong tulungan ang mga maliliit na negosyo upang tuluyang makabangon sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Gayunman, sinabi ni Teodoro na may kondisyong nakalatag sa ordinansa sa kung sinuman ang maaaring makapag-avail ng libreng business permit at tax exemption.
Una, kung ang sari-sari store at karinderya ay hindi nagbebenta ng sigarilyo o anumang nakalalasing na inumin at ikalawa, kung sila ay may kapital na mahigit P10,000.
Epektibo ang naturang ordinansa magmula Enero 1 hanggang Disyembre 31 ng taong kasalukuyan. | ulat ni Jaymark Dagala