Naghahanda na ang Quezon City Local Government na tumugon sakali mang may mga pasahero at tsuper sa lungsod ang maapektuhan ng pag-usad ng PUV modernization program.
Inaasahan kasing sa Feb. 1 ay sisimulan na ang hulihan at ituturing na colorum ang mga ‘unconsolidated PUV.’
Sa isinagawang QC Journalists Forum, sinabi ni QC PAISD Chief Engelbert Apostol na regular nang nagpupulong ang transport group ng pamahalaang lungsod para sa mga posibleng intervention pagsapit ng Pebrero.
Kasama na rito ang posibilidad na mag-deploy ang LGU ng karagdagang libreng sakay sa mga rutang magkaroon ng kakulangan ng bibiyaheng jeep.
Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy naman aniya ang libreng sakay hatid ng QCity Bus na bumibyahe sa walong ruta para alalayan ang commuters.
Bukas din aniya ang pamahalaang lungsod na makipag-ugnayan sa mga maaapektuhang tsuper at mag-alok ng kaukulang tulong.
Kasama na rito ang livelihood programs na pangkabuhayang QC at gayundin ang job matching sa tulong naman ng QC PESO.
Una na ring nakipagtulungan ang QC LGU sa DOTr at DOLE para mabigyan ng livelihood package ang aabot sa 173 displaced public utility drivers at operators na benepisyaryo ng EnTSUPERneur program. | ulat ni Merry Ann Bastasa