Sisiguruhin ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na hindi na magkakaroon ng delay sa promotion ng third-level officers ng Philippine National Police .
Ginawa ni Abalos ang pagtiyak pagkatapos ilabas ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang isang resolusyon na nagbibigay lamang ng 30-araw na timeline para makumpleto ang proseso para sa promosyon ng mga pulis na may ranggong Police Colonel (PCOL) sa Police Lieutenant General (PLTGEN).
Matapos ang ebalwasyon ng NAPOLCOM at kumpirmasyon ng Civil Service Commission (CSC), ipapasa na sa Office of the Executive Secretary ang promotional folders o documents bago aprobahan ng Pangulo.
Umaasa ang kalihim na ang hakbang na ito ay magpapabuti pa sa moral ng police personnel at magbibigay ng inspirasyon sa kanilang tungkulin.
Partikular na sa paglaban sa kriminalidad, iligal na droga, katiwalian, at sa pagpapanatili ng peace and order sa kanilang mga nasasakupan.| ulat ni Rey Ferrer