Pormal ng inilipat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Cagayan Valley ang core shelter units sa may 309 pamilya mula sa 25 barangay sa Bayan ng Diffun, Quirino province.
Ang turn over ay inisyatibo ng Core Shelter Assistance Program ng ahensya na layong mabigyan ng pabahay ang mga residente na nawalan ng tirahan dahil sa bagyong Quiel at Pedring noong 2012.
Ayon kay DSWD Cagayan Valley Disaster Response and Rehabilitation Section Head Minaflor Mansibang, aabot sa P70,000 grants ang naipamahagi ng ahensya para sa konstruksyon ng bawat shelter units.
Samantalang ang local government unit naman ng Diffun ang nagbigay ng relocation site at iba pang tulong para makumpleto ang proyekto. | ulat ni Rey Ferrer