Isinauli ng isang security screening officer ng Office for Transportation Security ang naiwang bag ng isang pasahero sa Butuan Airport security screening checkpoint.
Ang naturang bag ay naglalaman ng USD4,000 o katumbas ng P223,000 at mga alahas.
Ayon sa ulat ng OTS, si Security Screening Officer Griffel Vien Salaum ay nagsasagawa ng routine security screening operations nang madiskubre ang naiwang bag ng pasahero sa x-ray machine.
Agad niya itong ipinaalam sa Civil Aviation Authority of the Philippines Public Assistance and Complaints Desk upang matukoy ang may-ari nito.
Dito na bumalik ang pasahero at nakuha ang kaniyang naiwang bag.
Nagpasalamat naman ang may-ari ng bag sa security officer at kaniyang team dahil naibalik ito sa kaniya. Ang pasahero ay patungo ng Cebu nang mangyari ang insidente.
Sinabi naman ni OTS officer-in-charge Assistant Secretary Briones, na ang tapat na pagseserbisyo sa mga pasahero ng mga security screening officer ay nakatutulong na mapalakas at integridad ng kanilang team at organisasyon. | ulat ni Diane Lear