Sumulat na si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) para linawin ang maaaring partisipasyon ng mga halal na barangay officials sa itinataguyod ngayong People’s Initiative.
Ayon kay DILG Sec. Abalos, kung pagbabatayan kasi ang resolusyon ng COMELEC noong Abril ng 2022, nakasaad na maaaring makiisa sa partisan political activities gaya ng signature drive ang elected barangay officials.
“Elective Barangay officials [are] excepted from the prohibition [on partisan political activities] under Sec. 261 (i) of the Omnibus Election Code.”
Bagamat, kung gaano kalawak ang maaaring partisipasyon ng mga opisyal ng barangay, yan ay hindi pa malinaw sa DILG.
Kaya naman, hiniling na ng kalihim sa COMELEC ang paglilinaw sa usaping ito kabilang ang tanong kung maaari rin bang gamitin ang barangay hall para sa signature campaign.
Kaugnay nito, umapela naman si Abalos sa ibang nga opisyal na maging maingat sa mga inilalabas na pahayag tungkol sa People’s Initiative na maituturing aniyang isang sensitibong isyu.
Matatandaang isang pro-chacha group ang nagtutulak ngayon ng malawakang kampanya para sa charter change o pagpapalit sa Saligang Batas sa pamamagitan ng “People’s Initiative.” | ulat ni Merry Ann Bastasa