Siniguro ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga miyembro ng House Ways and Means Committee na totoong tao ang mga nananalo sa kanilang lottery games.
Ayon kay Atty. Maria Katrina Contacto, Executive Assistant ng Office of the General Manager ng PCSO, nakausap niya ng personal ang ilan sa mga nanalo.
“What can I assure this committee is that the winners are real because personally I have given cheques to some of the winners, so karamihan po talaga sa kanila (most of them) their main concern is their security,” saad ni Contacto.
Ang tugon ng opisyal ay kasunod na rin ng pagkuwestyon sa viral na litrato ng bettor mula San Jose Del Monte, Bulacan na kumuha ng kaniyang panalo sa Lotto 6/42 jackpot dahil sa pagiging edited.
Una nang sinabi ni PCSO GM Mel Robles na inedit ang larawan para maitago ang pagkakakilanlan sa nanalo para sa kaniyang seguridad.
Tanong naman ni Ways and Means Committee chair Joey Salceda kung bakit hindi na lang ipahinto ang pagsasapubliko ng larawan.
Ayon kay Contacto, kanilang aaralin ang pagrepaso sa patakaran kaugnay sa pagsasapubliko ng litrato ng mga nananalo sa lotto.| ulat ni Kathleen Forbes