Pinalakas pa ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kakayahan nito kontra human trafficking at smuggling of migrants nang lumahok ito sa ginanap na anim na araw na mission kasama ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice (DOJ) sa Zamboanga, Basilan, Sulu and Tawi-Tawi o Zambazulta Region.
Lulan ng barkong BRP Gabriela Silang, nag-aral ng mga scenario sa ground ang mga kawani ng PCG para komprehensibong maunawaan ng mga ito ang iba’t ibang hamon na kanilang kakaharapin at maipatupad nang matagumpay ang mga kinakailangang countermeasures.
Pinangunahan ni Usec. Nicholas Felix Ty ng DOJ-IACAT sa pakikipag-partner sa PCG na pinamumunuan ni Commander Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM) Commodore Marco Antonio Gines ang nasabing misyon para sa pagpapalakas ng mga backdoor exit ng bansa.
Ayon sa PCG, ang nasabing misyon ay nagpapatibay sa mandato ng Coast Guard sa papel nito sa Maritime Security Law Enforcement at nabibigay ambag sa pagsugpo sa isang matagal ng problema ng bansa.| ulat ni EJ Lazaro