Iniulat ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na bumaba ng 14.69 na porysento ang focus crimes sa bansa mula Enero 1 hanggang Abril 8 sa taong ito kumpara sa nakalipas na taon.
Base ito sa naitalang 9,345 na insidente sa loob ng nabanggit na panahon, kumpara sa 10,954 sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang walong focus crimes ay kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, carnapping of vehicles at carnapping of motorcycles.
Sinabi ni Gen. Azurin na ang pagbaba ay dulot ng pinaigting na police visibility at pinahusay na koordinasyon ng mga pulis sa mga barangay.
Nakatulong din aniya ang agresibong kampanya laban sa loose firearms, kung saan lagpas sa 7,000 iligal na armas ang narekober at mahigit 2,000 ang naaresto.
Gayundin ang striktong pag-account ng wanted persons, kung saan 17,000 ang naaresto mula Enero ngayong taon. | ulat ni Leo Sarne