Ipinaabot ng mga mambabatas mula Davao Region ang kanilang pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Speaker Martin Romualdez sa walang patid na pagpapadala ng tulong sa kanilang probinsya bunsod ng patuloy na pagbaha.
Pinakahuli dito ang P150 million na tulong pinansyal at 51,000 food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at personal calamity fund ni Speaker Romualdez at Tingog Party-list.
Ayon sa Davao solons, ito ang pinakamagandang halimbawa ng adhikain ng Bagong Pilipinas Campaign ng administrasyong Marcos kung saan mismong ang gobyerno ang lumalapit sa mamamayan.
Ang mga distrito nina Davao Oriental Representative Nelson Dayanghirang at Cheeno Almario, Davao del Norte Rep. Aldu Dujali, Davao de Oro Rep. Maricar Zamora, PBA Party-list Rep. Migs Nograles ay makakatanggap ng tig-P20 million na cash assistance habang P10 million naman kay Davao del Norte Vice Gov. Oyo Uy sa ilalim ng AICS program ng DSWD maliban pa sa food packs.
Ayon kay Rep. Almario, damang-dama nila ang pamahalaan na laging handang tumulong sa mga mamamayan na siyang tunay na diwa aniya ng Bagong Pilipinas
Hindi lang salita ngunit makabuluhang aksyon naman ang paglalarawan ni Nograles sa mabilis na tugon nina Pangulong Marcos Jr. at Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes