Inaasahang mapupuno ng iba’t ibang mga palabas, workshop, arts, at marami pang iba ang ginaganap na PASINAYA 2024 o ang taunang multi-arts festival na inorganisa ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Para sa taong ito naglaan ang PASINAYA ng higit sa isandaang palabas, workshop, music engagements, teatro, mga sayaw, pelikula, at marami pang iba para sa mga makikilahok ngayong taon.
Kasama rito ang Palihan “Workshop-All-You-Can,” Palabas “See-All-You-Can, Pay-What-You-Can,” Palitan “Network-All-You-Can” Arts Market, Paseo Museo tours, at Pamilihan arts bazaar.
Kabilang sa mga makikilahok ngayong araw ay mga grupo at mga individual artist mula sa iba’t ibang sulok ng bansa dala ang samu’t saring mga performances at workshops.
Inaasahan naman na sa iba’t ibang venues sa CCP complex tinatayang aabot sa 14,000 katao ang sasali sa mga nakahandang aktibidad.
Maliban sa CCP Complex sa Pasay City, sabayan ding nagsasagawa ng PASINAYA sa mga lugar sa Makati City, sa Tagum City sa Davao del Norte, at sa Iloilo City.
Tatakbo ang PASINAYA 2024 mula ngayong araw hanggang bukas, ikaapat ng Pebrero.| ulat ni EJ Lazaro