Tumutulong na rin ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group o PNP-ACG sa pagbabantay sa cyberspace ng bansa.
Ito’y ayon kay PNP ACG Director, P/MGen. Syndey Hernia ay kasunod ng impormasyon mula sa Department of Information and Communications Technology o DICT na tinangkang i-hack ang mga website ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong araw, sinabi ni Hernia na malaking hamon na mapanagot ang mga nasa likod ng hacking subalit mahalaga rin na mapigilan na ang kanilang masamang gawain.
Magugunitang sa ulat ng DICT, napigilan nito ang tangkang pag-atake ng China UNICOM na isang state owned Communications Group sa mga website ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, DOJ, OWWA maging ng mismong DICT.
Kaya naman sinabi ni Hernia na mahalagang mapatatag ang cybersecurity ng bansa na susuportahan ng pag-amiyenda sa ilang umiiral na batas upang mapalakas ito. | ulat ni Jaymark Dagala