Walang dapat na ipangamba ang publiko sa naranasang phreatic eruption ng Bulkang Mayon nitong weekend.
Sa Bagong Pilipinas Ngayong, nilinaw ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol na hindi ito indikasyon o hindi ito magreresulta ng malakas na pagsabog ng bulkan.
Ayon sa opisyal, hindi rin ito hudyat upang itaas ang alert level ng Mayon.
“Nangyayari po iyong phreatic eruption when hot materials come in to contact with water. So, parang isang kawali iyan, iyon ang magandang analogy na may mainit mantika and kapag binuhusan mo ng tubig magkakaroon ng steaming and producing sudden burst.” -Bacolcol
Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 2 ang alert level ng bulkan, wala rin aniyang naitalang volcanic earthquake matapos ang phreatic eruption kahapon na tumagal ng tatlong minuto.
“So, nangyayari kahapon mayroon pa tayong mga maiinit na mga bato from last year’s effusive eruption na naiwan sa bunganga ng Bulkan at kapag ito ay napaghaluan ng tubig nagkakaroon po ng steaming activity and nagkakaroon po ng phreatic eruption.” -Dir Bacolcol
Ibig sabihin, maituturing na kalmado ang Mayon sa kasalukuyan.
“We still maintained the six kilometers radius danger zone and even at alert level zero, we still recommend that no one should venture inside the permanent danger zone.” -Bacolcol | ulat ni Racquel Bayan