Kinilala ng isang party-list solon ang ginagawa ngayong hakbang ng Department of Migrant Workers para ayusin ang Seasonal Workers Program (SWP).
Kasalukuyang isinasaayos ng DMW, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Interior and Local Government (DILG), at Bureau of Immigration (BI) ang guidelines ng SWP upang mas mapalakas ang karapatan ng mga manggagawa.
Ayon kay OFW Party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino, bagamat malaking tulong ang trabahong ibinibigay ng programa ay mahalagang pangalagaan ang dignidad, kapakanan at kaligtasan ng ating mga OFW.
“That is why I laud DMW for standing its ground and reviewing the mechanisms and guidelines of the program to ensure that once the moratorium is lifted, our Filipino workers will be clothed with the protection of our policies, which should be strictly followed by the South Korean employers if they want to continue benefiting from the diligence of our Filipino Seasonal Agricultural Workers,” ani Magsino.
January 11 nang magbaba ng moratorium ang DMW sa pagpapadala ng Filipino Seasonal Agricultural Workers sa South Korea sa ilalim ng programa dahil sa ulat ng illegal recruitment at labor violations.
Tinatapos na ngayon ng ahensya ang mga panuntunan para sa SWP sa South Korea para mailabas ngayong buwan na siya ring harvest season sa naturang bansa.
“Naniniwala ako na binabalanse ng DMW, DFA, DILG, at BI ang kapakanan ng ating mga kababayan at ang kapakinabangan ng programa, at sila’y maglalabas ng mga matibay at malinaw na alituntunin sa lalong madaling panahon,” dagdag ni Magsino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes