Maganda ang simula ng Enero 2024.
Ito ang reaksyon ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda matapos maitala ang 2.8% inflation rate para sa buwan ng Enero.
Aniya, malaki ang ambag dito ng pagbaba sa presyo ng mais, sibuyas, bigas maging asukal.
Kaya naman inaasahan na ng economist solon na mas bubuti ang presyuhan ng pagkain ngayong taon.
Halimbawa aniya ang bigas, posibleng mas mag-stabilize aniya ang presyuhan nito sa Mayo oras na matapos na ang eleksyon sa India.
Katunayan kung wala lang aniyang external shocks sa global rice price ay posibleng mas mababa pa sana ang inflation rate ng Pilipinas.
Kaya mahalaga aniya na mapalakas ang produksyon natin ng bigas sa pamamagitan ng pagpapatubig at pagtatanim ng hybrid seeds.
Malaking bagay din aniya ang pamumuhunan ng Department of Agriculture sa corn processing system sa pagpapababa ng presyo ng mais na nakatulong din sa pagpapababa ng presyo ng karne.
Nakatulong din ani Salceda ang panahon ng anihan ng mga gulay, gaya ng sibuyas para mapababa ng presyo ng mga ito.
Naniniwala ang Albay solon, na ang mas magandang presyuhan ng pagkain ngayong taon ay may positibong ambag sa ating ekonomiya.
Kaya mahalaga rin aniya ang papel na gagampanan ngayong taon ni Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel para maisakatuparan ang mga ito. | ulat ni Kathleen Forbes