Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na nagsimula nang mabayaran ang mga overseas Filipino worker na mayroong unpaid claims sa kanilang mga employer sa Saudi.
Ito ay matapos na mabangkarote ang mga malalaking construction company sa Saudi noong 2010, 2015, at 2016 dahilan para mawalan ng trabaho ang nasa 10,000 OFWs.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, noong November at December 2023 ay nagsimulang makatanggap ng tseke ang mga claimant mula sa Alinma Bank ng Saudi.
Inatasan naman aniya ang DMW na tulungan ang mga OFW na mai-deposito at ma-clear ang kanilang tseke sa Landbank of the Philippines at ng Overseas Filipino Bank.
Ani Cacdac, napababa din ang araw ng pagproseso ng mga tseke mula sa 60 araw ay naging 33 araw na lang kaya mas napadali na makuha ng mga OFW ang kanilang unpaid claims.
Sa ngayon, nasa 843 na mga claimant ang na-proseso na ang tseke at nakakuha ang kanilang mga benepisyo na katumbas na kabuuang P691 milyon.
Dagdag pa ni Cacdac, mayroon pang 700 na tseke ang kasalukuyang hinihintay na ma-clear sa LBP at OF Bank at inaasahan matatapos sa mga susunod na linggo.| ulat ni Diane Lear