Nagsagawa ng ‘Oplan Isnabero’ ang Land Transportation Office sa PITX Parañaque City ngayong nagsisiuwian na ang mga pasahero matapos ang long weekend.
Ito ay para matiyak na makakasakay agad ang mga pasahero tulad ng galing sa probinsya na kalimitan ay maraming dalang bagahe.
Ayon kay Dommy Episcope III, Admistrative Aide III ng LTO, kabilang sa kanilang pinara ang mga bus, mini bus, jeep, at taxi.
Target ng operasyon ang mga tumatanggi sa pasahero pati na rin ang nagsasakay ng pasahero pero nangongontrata.
Dahil kitang-kita ang presensya ng LTO, hindi na tinangka ng mga driver na lumabag at mabilis nakakasakay ang mga pasahero.
Samantala, sinabi ni Episcope na tuloy pa rin ang pag-inspeksyon nila sa mga bus kung ‘road worthy’ at pagsasagawa ng drug at alcohol test sa mga driver. | ulat ni Don King Zarate