Iniugnay ng Philippine National Police (PNP) sa pagsasabatas ng SIM Registration Law ang pagbaba sa bilang ng cybercrimes na kanilang naitatala.
Sa briefing na ipinatawag ng House Committees on Information and Communications Technology (ICT) at Public Information ukol sa data breach kamakailan, sinabi ng PNP na nakapagtala sila ng kabuuang 64,077 cybercrime cases noong nakaraang taon.
Ngunit mapapansin na mula Marso hanggang Disyembre ay nagkaroon na ng pagbaba sa mga kasong ito.
Sinabi pa ni Police Major General Sidney Hernia, Anti-Cybercrime Group director ng PNP, bumubuo na ang Pambansang Pulisya ng sarili nitong cybersecurity operations center.
Isa aniya ito sa mga atas ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr., bilang bahagi ng pagpapa-igting sa laban kontra cybercrimes. | ulat ni Kathleen Jean Forbes