Magpapakalat ng mga social worker ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa landslide area sa Maco, Davao de Oro.
Ipinag-utos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa “angels in red vests” na magbigay ng grief counseling sa mga kaanak ng mga nasawi at nawawala sa landslide.
Sa pinakahuling tala ng Davao de Oro Provincial Government may 47 katao ang kumpirmadong nasawi habang 63 naman ang patuloy na hinahanap.
Nitong nakaraang Linggo, nagtungo ang kalihim sa Davao Region alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para tingnan at damayan ang kondisyon ng mga survivor.
Tuloy-tuloy din ang pakikipag koordinasyon ng ahensya sa local government units (LGUs) upang madetermina ang mga barangay na apektado ng kalamidad.
Mahigpit ang utos ni Gatchalian, na patuloy na tulungan ang pamilya ng mga survivor.
Iba pa ang pagbibigay ng special attention sa tatlong taong gulang na batang babae na himalang nakaligtas sa landslide, at kinakalinga ngayon sa Davao Regional Medical Center (DRMC) sa Tagum City. | ulat ni Rey Ferrer