Sinimulan ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang isang nationwide information campaign upang labanan ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa pinag-aagawang West Philippine Sea (WPS).
Sa kauna-unahang media forum tungkol sa WPS sa labas ng kapitolyo ng bansa na isinagawa sa San Juan, La Union, kahapon, ibinahagi ng mga opisyal ang mga pagsisikap ng pamahalaan na turuan ang mga Pilipino sa kanilang mga karapatan at interes sa rehiyong inaangkin din ng China at iba pang bansa sa Asya.
Dumalo sa kaganapan sina National Security Council Assistant Director General Jonathan E. Malaya, NTF West Philippine Sea Spokesperson Commodore Jay T. Tarriela, Atty. Fretti G. Ganchoon ng DOJ, at PIA Director General Adolfo Ares P. Gutierrez upang sagutin ang mga katanungan patungkol sa mga isyung bumabalot sa WPS.
Umaasa ang task force na sa pamamagitan ng mga ganitong pagtitipon, magkakaroon ng matatag na partnership ang pamahalaan sa regional media upang maikalat ang tumpak na impormasyon na hindi umasa sa mga ipinapakalat sa social media.
Sa paliwanag ni Malaya, bagama’t malayo ang iba sa WPS, bawat Pilipino ay may kinalaman sa agawan ng teritoryo. Nagbabala siya na ang mga aksyon ng China ay nagdulot ng banta sa seguridad ng pagkain dahil pinipigilan nito ang ating mga kababayan na mangisda sa lugar na siyang nagbibigay ng kabuhayan para sa maraming Pilipino.
Dagdag pa niya na bagama’t patuloy na iginigiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa lugar, pinapaboran parin bansa ang diplomatikong diyalogo sa pagresolba ng sigalot, na siyang naaayon sa mga isinasaad ng Konstitusyon.
Patuloy din, aniya, ang pagpapalakas sa kakayahan ng sandatahang lakas sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga armas at kagamitan gayundin ang mga bagong alyansa sa seguridad sa ibang mga bansa. Ipinagmalaki rin ni Malaya ang tatlong BRAHMOS supersonic cruise missile system mula India na binili ng Pilipinas na gagamitin upang protektahan ang soberanya ng bansa.
Magsasawa rin ng information campaign ang NTF-WPS sa apat pang lugar sa bansa na kinabibilangan ng Region IV-A, Visayas, Mindanao at Palawan. | ulat Albert Caoile | RP Agoo