Pinagtibay ng House Committee on Games and Amusement ang panukala na layong tuluyang ipagbawal sa Pilipinas ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.
Sa pagdinig ng komite, nagmosyon si Bulacan Representative Augustina Pancho na aprubahan ang House Bill 5082 ni Manila Representative Benny Abante, at House Resolution 1197 ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, “subject to style.”
Malaki naman ang pasasalamat ni Rodriguez sa pagpasa ng komite sa kanyang panukala at sa pagkakaroon ng lakas ng loob na ihinto na ang operasyon ng POGOs sa ating bansa.
Aniya, bagamat nagdadala ng malaking kita ang POGO ay nagagamit din ito sa iba’t ibang iligal na aktibidad gaya ng money laundering, illegal immigration and employment, kidnapping, mga scam, prostitusyon, at iba pa.
Tinukoy pa nito ang datos ng Philippine National Police (PNP) kung saan sa unang 6-buwan ng 2023 ay ay nakapagtala ng 4,039 na biktima ng POGO-related crimes. | ulat ni Kathleen Jean Forbes