Inihayag ngayon ng Presidential Communications Office (PCO) na may koordinasyon nang ginagawa ang pamahalaan sa Japanese government kasunod ng ilang naiulat na bomb threat na natanggap ng ilang mga ahensya ng gobyerno.
Ayon sa PCO, partikular na nakikipag-ugnayan sa pamahalaang Japan ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang matukoy ang sinomang
nasa likod ng sunod-sunod na bomb threats hindi lang sa mga ahensiya ng gobyerno na nasa national government kundi maging sa ilang mga LGU.
Base sa una nang naging pahayag ng CICC ay mula sa Japan ang email na naglalaman ng banta ng pambobomba.
Kabilang naman sa mga government offices na nakatanggap ng bomb threat ay ang punong tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City, division office ng Department of Education (DepEd) sa Bataan, at lokal na pamahalaan ng Iba sa lalawigan ng Zambales.
Napag-alaman na hindi ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ng ganitong bomb threat ang ilang sangay ng pamahalaan gayung may ganitong insidente rin ng pananakot noong isang taon. | ulat ni Alvin Baltazar