Inamin ni Red Rose Mary Aquino ng DA-RFO2 na hangad niya na tunay na magiging high value crop ang mga gulay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malawak na merkado upang wala nang masayang pa.
Ito ang hamon ni Aquino sa kanyang mga tauhan sa harap ng mga isyu pa rin ng pagtatapon at pagkasira ng mga ito.
Sinabi niya na ang ganitong pangyayari ang nagpapababa sa value o halaga ng mga gulay na kasama sa HVC program ng pamahalaan, dahil nangyayari ito kapag bagsak na bagsak ang presyo ng mga gulay.
Matatandaan na kumilos na ng DA-R02 kasama ang kanilang counterpart sa buong Northern Luzon area para sa pangmatagalang solusyon sa pagkakatapon ng highly perishable vegetables katulad ng kamatis, repolyo, wombok, at iba pa
Hangarin ng opisyal na maisama sa cut flower industry ang mga gulay at maihalo sa mga bulaklak na bouquet na naibebenta sa mga flower shop sa kahit na anong okasyon. Sa ganitong paraan, aniya, magkakaroon ng tuloy-tuloy at dagdag na merkado ang mga gulay, tunay pang maituring na high value ang mga ito.
Ang hamon na ito ay inihayag ni Red Aquino sa paglulunsad ng Veggie Bouquet project na itinaon sa Monday Convocation ng mga empleyado ng DA-RF02 kahapon.
Ang veggie bouquet ay taunang inisyatiba ng DA-RFO2 tuwing Valentines day celebration lamang. | ulat ni Vivian de Guzman | RP1 Tuguegarao