Tiwala ang mga nagtitinda ng isda sa Pasig City Mega Market na tataas ang suplay ng isda partikular na ng Tamban na ginagawang sardinas sa kabila na rin ng banta ng El Niño phenomenon.
Ito’y makaraang ihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pabor sa pagpapataas ng produksyon ng sardinas ang mainit na panahon.
Sa pagtatanong ng Radyo Pilipinas, sinabi ng mga tindero ng isda na dahil sa paborable ang panahon para sa pagpaparami ng isda kaya’t inaasahan nilang tataas ang suplay nito.
Naglalaro sa ₱160 ang kada kilo ng tamban sa kasalukuyan na mas mataas ng ₱60 sa mga nakalipas na linggo.
Una nang inihayag ng BFAR na dahil sa tumitinding epekto ng El Niño, may ilang palaisdaan ang naapektuhan na siyang dahilan kaya’t tumaas ang presyo ng ilang isda.
Para maiwasan ang pagkatuyo ng mga palaisdaan, pinayuhan ng BFAR ang mga may-ari nito na sundin ang tamang paglalagay ng fingerlings upang hindi ito ma-over populate. | ulat ni Jaymark Dagala