Bumaba pa sa 41 mula sa dating 50 mga lugar sa bansa ang nakararanas ngayon ng hagupit ng El Niño phenomenon.
Ito ang iniulat ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. matapos muling pulungin nito ang Task Force El Niño kahapon.
Ayon sa kalihim, binigyang-diin sa nangyaring pulong ang hakbang na ginagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para ibsan ang epekto ng matinding tagtuyot.
Dito, nagbigay ng update ang iba’t ibang ahensya hinggil sa ginagawa nilang interventions o mga hakbang na kasalukuyan nang ginagawa at mga gagawin pa lamang sa hinaharap.
Binigyang-diin pa ng Task Force na malaki pa rin ang pangangailangan para sa palakasin ang pagtugon sa epekto ng El Niño na inaasahang tatagal hanggang Mayo ng taong ito.
Samantala, nanawagan naman si Secretary Teodoro sa mga miyembro ng Task Force na palagiang makipag-ugnayan hindi lang para sa El Niño kundi maging sa ibang emergency at iba pang isyu na dapat resolbahin na may kinalaman sa panahon. | ulat ni Jaymark Dagala