Hiniling ng Philippine Egg Board Association (PEBA) ang suporta ng publiko sa pagtangkilik at pagbili ng mga itlog bilang panregalo ngayong darating na Valentine’s Day.
Kasunod ito ng patuloy na pagbaba ng farm gate price ng itlog dulot ng labis na suplay at matumal na demand.
Ayon kay PEBA President Francis Uyahera, magandang panregalo ang itlog dahil magagamit itong pangsahog sa anumang luto o kahit dessert.
Nananatili rin aniya ang itlog na pimakamurang pinagkukunan ng protina kumpara sa mga karne.
Sinegundahan naman ito ni DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa na sinabing praktikal na panregalo ito lalo’t mahal ngayon ang bouquet ng bulaklak.
Sa ngayon, ayon sa DA, naglalaro sa P6.50 hanggang P8.50 ang presyo ng kada piraso ng medium sized na itlog sa Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa