Siniguro ng Office of Civil Defense (OCD) na iiral pa rin ang minimun health protocol sa mga evacuation facility, sakaling magpatupad ng paglikas dahil sa bagyong Amang.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni OCD Joint Information Head Diego Mariano na bukod sa family food packs, mamamahagi rin sila ng face mask sa mga magsisilikas, upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito sa COVID-19.
“Hanggang maaari po, tuwing mayroon tayong evacuation mayrooon pa ring suot na mask o mayroong pinamimigay na mask sa mga kababayan, para mamintena ang health standards kahit sila ay nasa evacuation centers.” — Mariano
Sila aniya sa OCD mahigpit na ang koordinasyon sa mga maaapektuhang local government unit.
Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal na handa na ang mga tauhan, assets, at pondo ng pamahalaan na kakailanganin upang ipangtugon sa posibleng epekto na iiwan ng bagyong Amang.
“Ang lahat po ng ahensiya na may kinalaman po sa response dito po sa bagyo is nakaalerto na po; mayroon po tayong close coordination sa ating LGUs, sa ating mga member agencies nga po ng NDRRMC. ” — Mariano. | ulat ni Racquel Bayan