Sinibak sa serbisyo ang 10 pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa kanilang pagkakasangkot sa umano’y iligal na pag-aresto, arbitrary detention, at pagnanakaw sa apat na babaeng Chinese sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Parañaque noong nakaraang Setyembre.
Sa ulat ni NCRPO Regional Director Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang mga na-dismiss epektibo noong Pebrero 12, na sina:
Lt. Col. Jolet Guevara, Maj. Jason Quijana, Maj. John Patrick Magsalos, Capt. Sherwin Limbauan, Executive M/Sgt. Arsenio Valle, Cpl. Rexes Claveria, at Staff Sergeants Roy Pioquinto, Mark Democrito, Danilo Desder at Christian Corpuz.
Ang mga ito natagpuang guilty sa mga administratibong kasong grave misconduct, grave irregularity in the performance of duty, grave neglect of duty, the conduct unbecoming of a police officer, less grave misconduct, at less grave neglect of duty.
Habang ang dalawa pang senior police officials na nadawit sa maanomalyang operasyon na sina PGen. Roderick Mariano at PCol. Charlie Cabradilla ay isasailalim naman sa administrative disciplinary proceedings matapos makakuha ng presidential clearance. | ulat ni Leo Sarne