Kuntento si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa performance ng Philippine National Police (PNP) partikular na sa paglaban sa krimen at pagtugon sa iba’t ibang emergency.
Ito ang iniulat ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr., makaraang pangunahan ng Punong Ehekutibo ang Command Conference ng PNP sa Kampo Crame kahapon na siyang kauna-unahan para sa taong ito.
Kasunod nito, muling iginiit ni Acorda na hindi ito maituturing na loyalty check bagkus ay isang regular na pangungumusta ng Pangulo gaya ng kaniyang ginawa sa Armed Forces of the Philippines (AFP) noong nakalipas na buwan.
Una nang binigyang direktiba ng Pangulo ang PNP na pag-aralan ang paggamit ng iba pang mga communication equipment na angkop sa iba’t ibang sitwasyon.
Partikular ding pinatututukan ng Pangulo, ani Acorda, ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga Pulis sa pagtugon sa emergency at disaster operations, gayundin sa cybersecurity ng bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng makabagong kagamitan. | ulat ni Jaymark Dagala