Pinapaayuhan ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga turista na mayroong planong bakasyon sa mga lugar na dadaanan ng Bagyong Amang, na ipagpaliban muna ang pagtungo, lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1.
Kabilang na dito ang Catanduanes, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Ticao Island, Burias Island, Eastern portion ng Laguna, Aurora, Quezon, at Eastern portion ng Rizal.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni OCD Joint Information Center Head Diego Mariano, na para naman sa mga turista na nasa mga lugar na na maaapektuhan ng bagyo, mainam na manatili na muna ang mga ito sa loob ng kanilang tinutuluyan, at huwag na munang lumabas kung hindi naman kinakailangan.
“Eh maaaring manatili muna sila sa loob ng bahay, o kung saan man sila tumutuloy. Kung maaari huwag muna lumabas, kung di naman kailangan, para ligtas sila sakaling, sa Bagyong Amang.” —Mariano.
Aniya, mayroong silang mga naitalang stranded na pasahero sa mga pantalan, dahil sa bagyong Amang.
“Sa ngayon tayo ay closely monitoring with our LGUs or affected LGUs and sa ating mga member agencies ng NDRRMC at tayo ay patuloy na nagpi-prepare dito po sa bagyong dumadaan po ngayon at ang ating mga asset, all manpower at ang mga relief items ay ngayonay naka-preposition; well-prepared sakaling kailanganin agad.” —Mariano. | ulat ni Racqeul Bayan