Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines na ang Tiktok ban ay para lang sa mga gadget na konektado sa kanilang military network.
Ang pahayag ay ginawa ni AFP Spokesperson Colonel Francel Padilla kasunod ng balitang pinagbawalan ang mga tauhan ng militar na gumamit ng nasabing social media application sa kanilang work at personal phones dahil sa cybersecurity risks.
Aniya, maaari pa ring makagamit ang mga tauhan ng AFP ng TikTok sa kanilang mga personal na device, basta’t ito ay hindi konektado sa military network at hindi sila maglalabas ng mga content na magkokompromiso sa seguridad ng kampo.
Binigyang diin ni Col Padilla, hindi bago ang direktiba dahil ipinatutupad na ito sa AFP noon pang 2021.
Dagdag pa ng opisyal, iimbestigahan at posibleng maparusahan ang mga tauhang susuway sa direktiba. | ulat ni Leo Sarne