Naaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang isang online scammer na nambibiktima sa Facebook Marketplace sa entrapment operation kagabi, Pebrero 20 sa Padre Burgos St Repolyo, San Roque, Cavite City.
Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo ang suspek na si Romelyn Lobaton, taga-Canacao Bay Samonte Park, Cavite City.
Ikinasa ang operasyon makaraang magsumbong sa mga awtoridad ang biktimang si Emanuel Dela Cruz ng Novaliches QC na nagpadala siya ng mahigit P12,000 sa isang nagpakilalang ” Maria Cortiz ” sa Facebook Marketplace para sa 27 kilo ng baka at 15 kilo ng manok na hindi dineliver.
Reklamo ng biktima, pagkabayad umano niya, bigla na lamang syang “blocked” sa FB messenger ng suspek.
Sa isinagawang entrapment operation, gumamit ng ibang Facebook account ang biktima para makipagtransaksyon uli sa suspek, at matapos magkasundo na babayaran na ng P6,000 sa Smart padala ang suspek, agad itong naaresto ng ACG.
Sa ngayon nahaharap ang suspek sa paglabag sa Swindling/Estafa at Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne
📷: ACG