Tumaas ang average farmgate price ng palay sa unang buwan ng 2024, ayon yan sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa tala nito, tumaas sa ₱25.08 ang kada kilo ng palay.
Mas mataas ito ng 9.6% kung ikukumpara sa ₱22.89 kada kilo na palay farmgate price noong Disyembre ng 2023 at mas mataas rin ng 41.4% kumpara sa naitalang farmgate price noong nakaraang taon na aabot sa ₱17.74 kada kilo.
Sa mga rehiyon naman, ang Region 1 o Ilocos Region ang may pinakamataas na farmgate price ng palay na umabot sa ₱28.97 ang kada kilo.
Habang ang pinakamababa naman ay naitala sa Eastern Visayas sa ₱19.31 kada kilo.
Ayon sa PSA, lahat ng rehiyon ay nagtala ng positibong year-on-year growth rates nitong Enero.
Batay naman sa monitoring ng Bantay Presyo, patuloy nang namo-monitor ang pagbaba ng presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Mayroon na kasing mabibiling ₱45 na kada kilo sa well milled rice habang ₱50 naman ang pinakamura sa premium rice. | ulat ni Merry Ann Bastasa