Nananatiling matatag ang suplay ng sibuyas sa Pasig City Mega Market na siyang dahilan naman ng pagbaba ng presyo nito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang mga nagtitinda ng gulay na bukod sa mga lokal na sibuyas ay may bumabagsak ding imported na sibuyas sa mga palengke.
Kaya naman, mabibili ang pulang sibuyas sa halagang ₱100 kada kilo na mas mababa na kumpara sa dating ₱120 hanggang ₱130 ang kada kilo.
Habang sa puting sibuyas, naglalaro sa ₱70 hanggang ₱80 ang kada kilo ng lokal na puting sibuyas habang nasa ₱60 naman ang imported na puting sibuyas na mas malaki kaysa sa lokal.
Kasunod nito, aminado naman ang ilang nagtitinda ng gulay na malaking hamon sa kanila ang ulat na online selling ng mga sibuyas na batay sa ulat ay nasa ₱25 kada kilo.
Gayunman, kumpiyansa pa rin ang mga nagtitinda ng sibuyas sa Pasig City Mega Market na magiging maganda pa rin ang bentahan ng sibuyas dahil makatitiyak ang mga mamimili sa kalidad ng kanilang mga paninda. | ulat ni Jaymark Dagala