Binuhay ng administrasyong Marcos ang Laperal Mansion na magsisilbing opisyal na Presidential Guest House ng mga bibisitang foreign heads of state.
Sa Facebook post ng Presidential Communications Office, ipinakita dito ang eleganteng European-inspired mansion na naglalaman ng 14 kuwarto na metikulosong dinisenyo at dalawang sun rooms na isinunod sa pangalan ng ilang nagdaang pangulo ng bansa.
Kasama rin sa features ng Laperal Mansion ang tatlong state rooms na ipinangalan kina Magellan, MacArthur, at Dr Jose Rizal.
Ayon sa Presidential Communications Office, ang restoration ng nasabing mansyon na matatagpuan sa Arlegui Street katabi ng Malacañan Palace ay hindi lamang upang buhayin ang heritage o pamana ng kultura kundi pagpapakita din ng lokal na talento, at naglalayong mapalakas ang foreign diplomacy.
Dagdag pa ng PCO, magsisilbi din ito bilang pagpapakita ng magiliw na pagtanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga bibisitang lider ng iba’t ibang mga bansa.
Una dito’y pinaganda na ng administrasyon sa pangunguna ni First Lady Liza Marcos ang iba pang establisyimento sa compound ng Palasyo gaya ng Goldenberg Mansion na nagsisilbing Presidential Museum at ang Bahay Ugnayan. | ulat ni Alvin Baltazar