Mas pabor si Marikina Rep. Stella Quimbo na amyendahan na lang ang kasalukuyang batas sa annulment ng kasal kaysa sa Divorce Bill.
Ayon sa mambabatas na isa ring ina at maybahay, mas madaling maipapasa ang amyenda sa annulment law kung saan ilalatag ng mas malinaw o madaragdagan ang ground para malusaw ang kasal kumpara sa Divorce Bill.
Isa sa inihalimbawa nito ay kung nagkakasakitan na ang mag-asawa o may pisikal na pang-aabuso.
Sa kasalukuyang batas kasi ay hindi ito kasama sa mga dahilan para mapawalang bisa ang kasal.
Magkagayunman, hindi isinasara ni Quimbo ang pintuan sa Divorce Bill.
Ang mahalaga kasi aniya ay maramdaman ng mag-asawa na kapwa sila ligtas at masaya sa kanilang pagsasama. | ulat ni Kathleen Forbes