Umaasa si Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Senadora Risa Hontiveros na makakapag-schedule na ang Senado ng plenary deliberations para sa Divorce Bill.
Ginawa ni Hontiveros ang pahayag matapos umusad at maipresenta na sa plenaryo ng Kamara ang Divorce Bill.
Setyembre pa ng nakaraang taon nailabas ng komite ni Hontiveros ang committee report tungkol sa Divorce Bill (Senate Bill 2443) pero hanggang ngayon ay hindi pa ito naii-schedule para sa sponsorship sa senate floor.
Hindi naman masabi ng senadora kung maipapasa ng kongreso ang panukalang ito ngayong taon.
Gayunpaman, hiling ni Hontiveros na mabigyan sana ng patas na pagdinig ng Senado ang Divorce Bill.
Ito lalo na aniya para sa mga kababayan nating nakakaranas ng mga kalunos-lunos at hindi tamang sitwasyon sa loob ng isang kasal, gaya ng karahasan at kapabayaan. | ulat ni Nimfa Asuncion