Sinimulan nang talakayin ng House Committee on Trade and Industry ang panukalang “OPPA” o Online Philippine Pharmacy Act.
Nilalayon nito na mapalawak ang regulasyon sa bentahan ng iba’t ibang mga gamot sa online platform.
Bunsod na rin ito ng mga pekeng gamot na ibinibenta online.
Maliban dito, may ilang doktor at sikat na personalidad din ang nabibiktima at nagagamit ang pangalan sa bentahan ng mga gamot.
Isa rito si Dr. Anthony Leachon na isang health reform advocate.
Aniya, maraming beses nang nagamit ang kanyang pangalan sa bentahan ng iba’t ibang produkto sa social media.
Sinabi ni Leachon na naghain na siya ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI), ngunit nahihirapan sa pagtukoy at pagtunton sa seller.
Isang technical working group naman ang binuo upang ayusin ang ilan sa probisyon ng panukala gaya “digital infrastructure” para sa online pharmacy o e-Botika, gayundin ang kapangyarihan ng Food and Drug Administration (FDA) laban sa online platforms o sites na nagbebenta ng mga pekeng gamot, at papel ng Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensya oras na maging ganap na batas ang panukala. | ulat ni Kathleen Jean Forbes