Iginiit ng Department of Health na hindi pa rin nila suportado ang paggamit ng marijuana kahit sa pang-medikal na gamit.
Ayon sa DOH, kinikilala nila ang hakbang para gawing ligal ang paggamit ng medical cannabis.
Pero pagbibigay diin ng kagawaran na dapat ring ikonsidera ng mga mambabatas ang kapasidad ng mga ahensya ng gobyerno na magre-regulate rito.
Dapat rin umanong pag-aralang mabuti ang scientific evidence, cost-effectiveness at magiging epekto nito sa publiko.
Paalala ng DOH, nananatiling bawal at may katapat na parusa ang paggamit ng marijuana maliban kung payagan ito for ‘compassionate use’ o kung may compassionate special permit mula sa Food and Drug Administration.
Sa Kamara, una nang nakalusot sa committee level ang report ng Technical Working Group para sa panukalang gawing legal ang medical cannabis sa Pilipinas.
Inaasahang ibabalik ang panukala sa mother committees para maaprubahan bago maiakyat sa plenaryo ng Kamara.
Tiniyak naman ng TWG na may sapat na “safeguards and regulations” sa panukala para siguradong hindi maaabuso. | ulat ni Lorenz Tanjoco