Nagdesisyon na ang en banc ng Commission on Elections (Comelec) na i-award ang kontrata ng 2025 midterm elections sa kumpanyang Miru System Company Limited Inc.
Ito ang iniulat ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia matapos ang unanimous decision ng en banc o lahat ng commissioners.
Sabi ni Garcia, sinunod nila ang rekomendasyon ng Technical Working Group at Bid and Awards Committee na ibigay sa Miru System Company Limited ang kontrata.
Nakapaloob sa naturang kontrata ang teknolohiya na gagamitin, pag-supply ng 110,000 na mga makina, ballot boxes, printing of ballots, laptops at iba pa.
Ang naturang kontrata ay limitado lamang sa pagrenta ng Comelec sa mga teknolohiya at kagamitan ng Miru System.
Maliban dyan, kasama rin sa kontrata ang Transparency Audit/Count (FASTrAC) para sa 2025 national and local elections.
Nagpasalamat naman ang Miru System Company Limited Inc. sa pagtitiwala sa kanila ng Comelec at tiniyak na susunod sila sa terms of reference kasabay ng paniniguro ng isang malinis at payapa na halalan sa 2025. | ulat ni Michael Rogas